SALOT ANG PHILIPPINE MINING ACT OF 1995 SA MGA KATUTUBO AT SA SAMBAYANANG PILIPINO

Mga classmates, may good news at bad news ako sa inyo! Ang good news muna. Alam niyo ba na isa ang Pilipinas sa pinakamayamang bansa sa buong mundo? Sa katunayan, ang bansa natin ay ikatlo sa mundo na may mayamang reserbang ginto, ikaapat sa laki ng reserbang tanso, ikalima sa reserbang nickel at ikaanim naman sa reserbang chromite. Kung tutuusin nga, kaya ng ating bansa na maging industriyalisado at maunlad kung magagamit natin ang ibat-ibang klase, dami at mahahalagang yamang mineral na meron tayo.

1

Ano naman ang bad news? Lantaran at todong ibinebenta ng pamahalaan ang ating yamang mineral sa mga dayuhan. Ang kapalit lang ay kakarampot na bayad at halos walang ambag para sa paglago ng ating ekonmiya! Ayaw mo maniwala? Alam mo ba na sa ilalim ng Philippine Development Plan 2011-2016 o ang planong pang-ekonomiya ni Pangulong BS Aquino ay mahigit 30% o halos siyam na milyong ektarya ng lupain ng bansa ang nais nitong ibukas para sa dayuhang pagmimina. Wala sa plano ang tunay na industriyalisasyon.

Paanong nangyari yon? Ganito yan. Sa ilalim ng Philippine Mining Act of 1995 (R.A. 7942), inihawan ang daan para sa liberalisasyon ng lokal na industriya ng pagmimina. Ito ang pagluwag sa mga restriksyon at pagbukas ng pagmimina ng ating yamang mineral sa dayuhang namumuhunan. Sa batas na ito, pinapahintulutan ang 100% na mag-may-ari ng dayuhang korporasyon o puhunan (100% foreign-owned corporation/capital) at makapagmina sa saklaw nang hanggang 100,000 ektarya ng 25 hanggang 50 taon! Maari din nila ibalik o dalhin lahat ng kita nito sa pagmimina sa kanilang bansa (100% profit repatriation).

Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin lang, sadya nating isinuko ang ating yaman at karapatan sa ilalim at ibabaw ng lupa sa mga dayuhang namumuhunan. Binigyan natin sila ng buong laya na ‘tahasang nakawin’ ang ating likas yaman, sirain ang ating kalikasan at palayasin ang ating mga kapatid na katutubo’t magsasaka sa kanilang lupain. Buong puso na nating tinatalikuran ang ating pambansang patrimonya.

O diba ang sakit sa ulo! Yaman ng bansa mo, yaman na sanang magagamit natin para mapaunlad ang bansa pero sa dayuhan natin ibinibigay ang karapatan minahin at lubos na makinabang sa ating yamang mineral! At siyempre nakinabang din ang kasabwat nilang lokal na kaptalisata at ilang opisyal ng gobyerno.

Hindi pa diyan nagtatapos iyan mga classmates. Alam mo ba may ibang epekto pa ang pagpasok ng dayuhang pagmimina sa mga kapatid nating katutubo?

Sa pag-aaral ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (KAMP) noong September 2013, may 712 aprubadong aplikasyon ng pagmimina na saklaw ang 967,530.86 ektarya. Ang 55% dito o 251 na aprubadong applikayon na saklaw ang 532,368.36 ektarya ay nasa lupang ninuno ng mga katutubo

Ilan sa malalaking applikasyon na ito ay sa lupain ng mga Blaan (23,571.00) sa South Cotabato, Sultan Kudarat and Davao del Sur; Mangyan (46,050.65 has) sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro and San Teodoro, Oriental Mindoro; Cuyunin at Tagbanua (12381.72) sa Rizal, Bataraza at Narra, Palawan , Kalanguyas, Ibalois at Kankakana-ey (, 5,873.687) sa Kasibu, Nueva Viscaya.

Kalakhan ng proyekto ng pagmimina sa lupain ng katutubo pagmamay-ari ng dayuhang kumpanya tulad ng Rio Tuba Mining Corp., Xstrata Mining Saguittarius Mines, Royalco, TVI Resources Devt at Citinickel. Ibig sabihin ibinibihay ng gobyerno ang mga lupain ng katutubo at ang ating patrimonya sa kamay ng dayuhang mamumuhunan.

Kaya naman matindi ang pagtutol at pagtanggol ng mga katutubo mamamayan sa kanilang lupang ninuno. Pero sa bawat pagpasok ng kumpanya ng mina sa teritoryo nila kasunod nito ang matinding militarisasyon. Nagsisilbing mga security guards ng mga dahyuhang kumpanya ang ating mga pulis at sundalo. At ang masaklap, nagiging mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao ang mga katutubong mamamayan.

Sa katunayan mula 2001 hanggang 2010, may 190 lider katutubo at miyembro ng komunidad na tumututol sa dayuhang pagmimina ang pinatay. Sa tatlong taon ng pamahalaang BS Aquino, may 39 na ang napatay. Layon nito na takutin sila at matiyak ng ating pamahalaan na maisakatuparan at maproteksyunan ang mga proyekto sa pagmimina ng mga dayuhan.

Pero alam niyo ba na hindi lang ang mga katutubo ang lumalaban. Dumanas din sila ng panunupil at karahasan. Simula’t sapul, tinutulan na ang pagsasabatas ng Philippine Mining Act of 1995 at patuloy hanggang ngayon ang kampanya ng ibat-ibang grupo kasama ang Simbahan (kapwa ang Katoliko at Protestante) at mga taong simbahan, environmentalists, human rights at civil libertarian groups, mga abugado, ilang local government units (LGUs), mga sektoral na organisasyon ng mamamayan at iba pa para itigil ang malakihan, mapangwasak na dayuhang pagmimina at liberalisasyon ng pagmimina sa bansa.

Ano ngayon ang gagawin natin? Ano pa kundi seryosong pag-aralan at suriin ang kalagayang ito (at makipamuhay tayo sa mga katutubo para maunawaan ang kalagayan), manindigan at kumilos sa ibat-ibang paraan! Simple ba? Medyo hindi.  Bakit? Mismong si Pangulong BS Aquino at ang pamahalaan niya ang determinadong nagpapatupad ng liberalisasyon ng pagmimina. Wala sa hinagap niya na baguhin ito. Di ba, bahagi ito ng programa niya? Hindi rin papayag ang BOSS niya na mga dayuhan kapitalista na ibasura ito.

Tanging sa sama-samang pagkilos ng malawak na mamamayang nagkakaisa sa panawagan na ibasura ang Philippine Mining Act of 1995 ay mapipilitan lang si Pangulong BS Aquino at ng pamahalaan na baguhin ang batas at kasalukuyang patakaran sa pagmimina. pagmimina. Wala sa hinagap niya na baguhin ito. Di ba, bahagi ito ng programa niya? Hindi rin papayag ang BOSS niya na mga dayuhan kapitalista na ibasura ito.

Ano pa ang hinihitay niyo mga classmates? Sumama na kayo! Sama-sama natin ipanawagan: Ibasura ang Philippine Mining Act of 1995 at itigil ang liberalisasyon ng pagmimina! Itaguyod ang isang maka-mamamayan, maka-kalikasan, maka-Pilipino at patriyotikong batas, patakaran at programa sa pagmimina! Itigil ang militarisasyon sa kanayuan at itaguyod ang karapang pantao! Itaguyod ang karapatan ng katutubo sa lupang ninuno! Itigil ang pandarambog ng ating likas yaman at ipagtanggol ang pambansang patrimonya! ###