BS Aquino inutil sa pagpigil sa EJK- KATRIBU

Manila- Kinokondena ng mga kabataan sa ilalim ng Kabataan para sa Tribung Pilipino(KATRIBU) ang  patuloy na pagtaas ng bilang ng extrajudicial killing(EJK) sa bansa at ang pagiging inutil ng pamahalaan ni BS Aquino na bigyan ng katarungan ang mga biktima.

Ayon  kay Reagan De Vela tagapagsalita ng grupo, “ Tumaas ng bilang ng mga katutubong pinaslang sa ilalim ng BS Aquino mula 40 haggang 43 sa loob lamang ng 3 buwan.  At habang tumataas ang bilang ng pinapaslang na mga katutubo, nanatiling bokya o walang kaso ng ejk sa mga katutubo ang naresolba ni Aquino.”

for uploadNito lamang Marso 8, 2013, tatlong katutubo mula sa tribu ng Binongan ang  nadagdag sa kaso ng Extrajudicial killing sa hanay ng mga katutubo. Sina  Licuben Ligiw kasama ang kanyang anak na sina  Freddie at  Edie Ligiw ay natagpuan na nakabaon sa isang hukay sa Sitio Sukaw Domenglay Baay Licuan Abra at hinihinalang ang mga kagawad ng 41st Infantry Battalion, Philippine Army (IBPA) ang may kagagawan ng nasabing pagpatay .  Ang mga nasabing katutubo ay pawang mga myembro ng organisasyong  KASTAN (Kakailian Salakniban Tay Amin ti Nagtaudan), ang pangprobinsang organisasyon ng Cordillera Peoples’ Alliance (CPA) sa Abra.

Ayon pa sa grupo, walang ibang dapat sisihin sa patuloy na pagtaas ng bilang ng pamamasalang sa mga katutubo kundi ang polisiya ng BS Aquino na Oplan Bayanihan. Sa ilalim ng Oplan Bayanihan, itinuturing ng pamahalaan na kalaban ang anumang grupong sumasalungat at kumonkontra sa mga polisiya na itinutulak ng pamahalaan tulad ng pagmimina.

“Kung kaya naman ito ang dahilan ng patuloy na pagtaas ng bilang ng ibat ibang paglabag sa karapatang pantao tulad ng harassment, pagdukot,  pananakot  at pamamaslang sa mga mamamayan na nagtatanggol sa kanilang kabuhayan at karapatan.  At habang patuloy ang pagiral nito, patuloy din ang pagtaas ng bilang ng paglabag sa karapatang pantao.”  Dagdag pa ni De Vela

“Kung talagang seryoso ang gobyerno na ito na bigyan ng katarungan ang mga biktima, ang tanging kailangan niyang gawin ay seryosong sampahan ng kaso ang mga elemento ng mga sundulo at kapulisan na lumalabag sa karapatang pantao  at ibasura ang Oplan Bayanihan at seryosohin ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at ng NDF.”  #