Dalawang dekada ng pandarambong

Pandarambong ng likas yaman, pagkasira ng kalikasan, pagpapalayas sa mga katutubo at paglabag sa karapatang pantao – ito ang napala ng mamamayang Pilipino makaraan ang 20 taon ng pagiral ng Philippine Mining Act of 1995 (PMA95). Sa balangkas ng liberalisadong ekonomiya, isinabatas noong ika-3 ng Marso, 1995 at unang ipinatupad ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang Philippine Mining Act of 1995.

Layon ng nasabing batas na ibukas ang yamang mineral ng ating bansa sa mga dayuhang namumuhunan. Binibigyan nito ng laya ang mga malalaking korporasyon ng pagmimina na may 100 porsyento dayuhang puhunan ang magmina at iluwas ang ating yamang mineral. Samut-saring pribeliheyo rin ang ibinigay sa mga dayuhang korporasyon ng pagmimina tulad ng 100 porsyento na iluwas ang kanilang kita o tubo mula sa kanilang negosyo, may 10 taon na hindi pagbabayad ng buwis, karapatan sa pagpapalayas sa mga naninirahan sa loob kanilang mining area at malayang sirain ang kalikasan. Sa loob ng 20 taon, malayang tinatamasa ng mga dayuhang korporasyon ng pagmimina ang mga nasabing karapatan at pribilehiyo na garantiya mula sa ibat ibang ahensya ng gobyerno. Mulat ma inilalako na parang “bugaw” ng ating pamahalaan ang ating yamang mineral sa mga dayuhan korporasyon.

Pinapayagan ng ating pamahalaan na nakawin ng mga dayuhang korporasyon ang yamang mineral na maaari sana nating magamit para sa pagpapaunlad ng ating bayan. Mga malalaking dayuhang kumpanya mula sa Australia, United States, Britain, China at Japan ang malayang nakikinabang sa ating mga likas na yaman.

Sa loob ng 20 taon, nagpakasasa ang mga dayuhang korporasyon sa ating yamang mineral pero katiting lang ang naiambag nito sa ating ekonomiya. Sa pag-aaral ng IBON Foundation, aabot lamang sa 1% ang kabuuang naiambag nito sa ating ekonomiya. Ayon mismo sa datos ng gobyerno, aabot ng P132 bilyon lamang ang ibinalik ng mga dayuhang kumpanya sa ating pamahalaan sa anyo ng “royalty” mula sa kabuuang kita nila na aabot ng P1.3 trilyon mula noong 1997 hanggang 2013. Sa pagaaral din ng KALIKASAN-Peoples Network for the Environment, tila tubong lugaw ang mga dayuhang korporasyon sa pagmimina. Sa bawat P 1.00 na kapital ng dayuhang korporasyon ay tumubo ito ng P 3.50.

Sa loob ng 20 taon, sapilitang pagpapalayas, pagkasira ng lupaing ninuno’ tkapaligiran at samut-saring paglabag sa karapatang pantao ang naranasan ng mga katutubong mamamayan. Sa kasalukuyan, umabot na sa 712 ang aplikasyon sa pagmimina na inaprubahan ng gobyerno na sumasaklaw sa kabuuang sukat na 967,530 ektaryang lupa. Mula sa 712 aprubadong aplikasyon ng pagmimina, 251 dito o katumbas ng 532,368.36 ektaryang lupa ay nasa saklaw ng lupang ninuno ng mga katutubo. Sa ilalim ni BS Aquino, mula 2010 hanggang 2012, may 218 aplikasyon sa pagmimina ang kanyang inaprubahan at ang 69 dito na may lawak na 64,192 ektarya ay lupang ninuno. Halos pinatag ng mga dayuhang minahan ang mga sagradong lupain ng katutubong Subanen sa Mt. Canatuan na sa probinsiya Zamboanga del norte. Maging ang mga lupain ng mga katutubong Manobo sa Caraga ay buong layang iniluluwas sa ibang bansa. Ang mga taniman ng mga katutubong Bugkalot at Igorot sa Nueva Vizcaya ay hinukay at ang mga magsasaka ay pinalayas mula sa kanilang lupain. Ang mga taniman at komunidad ng mga Igorot sa Benguet ay nilamon ng lupa dahil sa mga butas (tunnel) na dulot ng minahan. Ilan lamang ito sa mga laksa-laksang kaso ng masasamang epekto ng pagmimina sa ating mga katutubo at sa kapaligiran.

Sa 20 taon na pagiiral ng maka-dayuhang pagmimina, wala signipikanteng napala rito ang katutubong mamamayan at ang bansa. Ang pangako nitong kaunlaran na para sa mga katutubo at mamamayang Pilipino ay isang kasinungalingan. Hanggat ang pagmimina sa ating bayan ay kiling sa interes ng iilang malalaking dayuhang korporasyon, hindi makakamit ang tunay na kaunlaran.

Hangga’t hindi angkop na magagamit ang ating likas yaman sa isang programa ng pambansang industriyalisasyon na naglilingkod sa mamamayan Pilipino ay hindi natin matatamasa ang tunay na kaunlaran. Marapat lamang na ating ipinawagan ang pagbabasura ng Philippine Mining Act of 1995. At napapanahon na para isulong ang isang makabayan, maka-kalikasan at responsableng batas sa pagmimina.

# idownload ang Kopya ng SULO- 033014 sulo